Iniwan ng isang Amerikano ang sariling bayan para makatuluyan ang isang Pinay na nakilala niya sa isang dating app. Ang foreigner, napamahal na rin sa Pilipinas at araw-araw nang nag-aaral ng wikang Filipino.

Sa “Make Your Day,” sinabing pumunta sa Pilipinas ang Amerikanong si Parker Ash noong 2018 para makita ang Pinay na si Jobelle.

“Nakilala ko ‘yung asawa ko sa dating app pero kailangan kong pumunta rito (Pilipinas) para makita siya in real life,” sabi ni Ash sa Filipino.

“Nagpunta ako rito noong June 2018. Agad may pag-ibig kami. Simula noon hanggang ngayon, ako ay nakatira rito. Bumabalik sa US minsan-minsan, pero hindi matagal, just biyahe lang,” kuwento pa ni Ash.

Ngunit nakaramdam ng “love at first sight” si Ash hindi lang sa kaniyang asawa, kundi pati na rin sa Pilipinas.

“I love the culture! I really do,” sabi ni Ash.

Kalaunan, na-in love na rin siya sa Pilipinas at naging bahagi na ng araw-araw niyang buhay ang pag-aaral ng Filipino.

May dala-dalang English-Tagalog dictionary si Ash at kumakanta ng maraming Original Filipino Music (OPM) sa kaniyang gitara.

Naging love language na raw ni Ash ang pag-aaral ng Filipino, samantalang naging lenggwahe niya na rin ito.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News