Dahil sa digmaan, napilitang lumikas noon patungong Zamboanga mula sa Jolo, Sulu ang pamilya Desiderio. Dahil biglaan, wala silang naisalba maliban sa singsing ng kanilang ina na isinangla para makapagsimula at makapagpatayo ng maliit na kainan na binabalik-balikan na ngayon dahil sa kanilang lutuin na kung tawagin..."Satti."
Tandang-tanda pa ni Sonia Desiderio nang ikuwento niya sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang nangyaring kaguluhan noon sa Jolo, na dahilan para agaran silang lumikas patungong Zamboanga, kasama ang iba pang sibilyan na naipit sa digmaan.
Ang tangi nilang naisalba sa kanilang paglikas, ang singsing ng kanilang ina na si Cecilia, na kanilang isinangla para makapagbukas ng isang maliit na kainan.
Ang kanilang inihain sa kainan, ang recipe ng kanilang lolo sa Jolo na tinatawag na Satti.
Ang Satti ay nahahawig umano ng Satay o Sate ng Malaysia at Indonesia. Pero ayon kay Sonia, ang kaibahan ng Satti ng kaniyang lolo ay masabaw at hindi tuyo.
Ang Satti ay gawa sa karne at atay ng manok at baka na tinusok sa barbecue stick at inihaw. Tinernohan ito ng mamula-mula at maanghang na malapot-lapot na sabaw.
Ngayon, naging bahagi na hapag sa pang-araw-araw ng mga Tausog ang Satti.
At ang kainan nina Sonia, nadagdag na rin ng isa pa.
Kaya malaki ang pasasalamat ni Sonia sa singsing ng kanilang ina na kanilang naisangla. Bukod sa nakapagsimula sila ng buhay matapos lumikas, napanatili nitong buo ang kanilang pamilya.
Pero bukod sa Satti, alamin sa video na ito ng "KMJS" ang iba pang lutuin at kakanin sa Mindanao, gaya ng Chicken Pyangga na inihahanda sa mga prominenteng bisita. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News