Dahil sa paghahanapbuhay, naiwan ng bus at hindi nakarating sa recognition day ng kanilang paaralan ang isang honor student. Sa halip, ang kaniyang ama na nauna sa eskuwelahan ang umakyat sa stage para tanggapin ang parangal. Pero tumanggi ang ama na isabit sa kaniya ang medalya dahil para sa kaniya, ang anak niya ang dapat magsuot nito.

Sa video ng For You Page ng GMA Public Affairs, inihayag ng senior high school teacher na si Shakespeare Julpha Macapili, ang paghanga sa kaniyang estudyanteng si Moises Agudo, na hindi nakarating sa recognition day, at sa ama nito na si Salvador.

Napag-alaman na magkatuwang ang mag-ama sa paghahanapbuhay para makapagpatuloy sa pag-aaral ni Moises na Grade 11 student na.

Pagkuha ng honey o pukyutan ang kabuhayan umano ng mag-ama na kanilang itinitinda.

Bukod doon, nagtitinda rin umano si Moises ng kung ano-ano gaya ng isda, pawid na kanilang ginagawa, at iba pa para nakatulong sa kaniyang pamilya.

Sa kabila ng pagiging abala sa pagtulong sa ama, hindi naman pinababayaan ni Moises ang kaniyang pag-aaral. Katunayan, naging honor student pa siya kaya mayroon siyang pagkilala at medalya na matatanggap sa kanilang recognition day.

Pero dahil sa paghahanapbuhay, naiwan ng bus si Moises kaya hindi nakaabot sa recognition day. Dahil wala ring cellphone ang mag-ama, hindi na siya naabisuhan ng kaniyang ama na nauna sa kaniya sa eskuwelahan tungkol sa takbo ng programa.

Kaya nang tawagin ang pangalan ni Moises at wala siya, si tatay Salvador ang umakyat sa stage para tanggapin ang award at medalya.

Ayon kay Macapili, binalak sana nila na isabit kay tatay Salvador ang medalya ni Moises pero ang ama na mismo ang tumanggi dahil paliwanag na pinaghirapan iyon ng kaniyang anak.

"Sabi niya 'wag niyo nang isabit sa akin kasi isasabit ko 'to sa anak ko. Kasi para sa anak ko ito kaya dapat ang anak ko lang ang magsusuot nito," kuwento ni Macapili sa sinabi umano ng ama.

Tumanggap naman ng mainit na palakpak si tatay Salvador mula sa mga kapuwa magulang at mga estudyante nang bumaba siya ng stage.

Mensahe ni teacher Macapili sa mga magulang at mag-aaral na sinusubuok ng kahirapan, patuloy na magsikap at mag-aral hanggang sa mapagtagumpayan ang mga hamon sa buhay.-- FRJ, GMA Integrated News