Matapos mag-viral at ma-bash sa social media, eksklusibong nakipag-ugnayan sa GMA News ang babaeng kumasa sa "In My Feelings" challenge sa gitna ng EDSA.
Ayon sa ulat ni Mark Salazar sa "24 Oras" ngayong Biyernes, nagpasama ang babae sa GMA News para humingi ng tawad sa MMDA at mag-public apology na rin dahil sa kanyang ginawa.
Sa pakiusap ni MMDA spokesperson Asec. Celine Pialago at para na rin sa kanyang kaligtasan, hindi na ipinakita ang mukha ng babaeng nagpatawag na lamang bilang "Micha," dalawampu't tatlong taong gulang.
"Gusto ko lang pong humingi ng paumanhin sa mga naabalang motorista nu'ng ako po ay bumaba ng sasakyan ng aking kaibigan para sa 'In My Feelings' challenge. Ako po at aking mga kaibigan ay handa pong bayaran ang violations na dapat bayaran," aniya.
Pagbabayarin siya ng MMDA ng P500 para sa jaywalking at P500 para sa kaibigan niyang nagmamaneho noon para naman sa reckless driving.
Hindi humarap pero nag-surrender na ng driver's license ang kanyang kaibigan para magpatiket.
"Umaasa po kami na ang public apology ko po ay makakatulong para humupa ang isyung ito. Hindi naman po kami masasamang tao. Thank you and I am very sorry," dagdag pa ng babae.
Bandang alas-onse ng umaga raw noong August 1 nila ginawa ang challenge sa ibabaw ng Kamuning flyover, dalawang araw matapos magbabala ng mmda sa mga motorista na 'wag gawin ang usong dance challenge na ito sa major thoroughfares.
Apology accepted, sabi nga ni Asec. Pialago kay Micha.
Ayaw nang pag-usapan ni Micha sa camera ang trauma na inabot niya sa pagkakamaling ito, lalo na ang bashing na bumuhos mula sa mga netizen.
Sabi nga ng MMDA, sapat nang hinarap ni Micha ang kasalanan, kaya tama na raw ang bashing. —JST, GMA News
