Kalunos-lunos ang sinapit ng isang ina na pinatay ng sarili niyang anak at tinadtad pa ang katawan sa Pigcawayan, Cotabato. May bahagi pa umano ng katawan ng biktima ang niluto pa ng suspek.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing nangyari ang karumal-dumal na krimen sa bahay ng mag-ina sa Barangay Capayuran sa Pigcawayan.

Ayon sa pulisya, ang mga kamag-anak ng mag-ina ang nakakita sa putol-putol na katawan ng biktima sa loob ng bahay nito.

May bahagi pa raw ng katawan ng biktima na niluto pa umano ang suspek, na sumuko naman matapos na gawin brutal na krimen.

Inihayag ng mga kaanak na matagal  na nang naka-kadena ang suspek sa loob ng kanilang bahay dahil mayroon umano itong diperensya sa pag-iisip.

Posible raw na naawa ang ina kaya pinakawalan ang anak, at doon na naganap ang karumal-dumal na krimen. -- Joviland Rita/FRJ, GMA News