Naging trending at pinag-usapan sa social media nitong Martes ang isang video greeting ng aktor na si Cesar Montano para sa kaarawan ng isang kagawad sa Maynila.

Habang nagbi-video kasi at nagsasalita si Cesar, may isang babae ang biglang nasilip sa kaniyang likuran na tila walang saplot sa katawan.

Hindi matiyak kung wala talagang saplot ang naturang babae o baka naman kakulay lang ng balat ang kaniyang kasuotan dahil malayo ang kuha at sandali lang siyang nanatili sa video.

Gayunpaman, marami sa mga nakakita at nagkomento ang naniniwalang walang saplot ang babae na hindi batid kung sino.

Bagaman inalis na umano ang orihinal na video post, may mga naka-screen grab ng imahe nito.

Wala pang inilalabas na pahayag si Cesar sa naturang insidente. -- FRJ, GMA News