Tulad ng marami, mayroon ding mga karanasan ang ilang Kapuso stars na hindi maipaliwanag at nakapangingilabot.  Gaya ni Ken Chan na nakita raw ang kaniyang kapitbahay na nakatayo sa labas ng bahay gayung pumanaw na pala ito. Alamin ang kanilang mga kuwentong paranormal.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, ikinuwento ng bida sa "My Special Tatay" na si Ken, ang hindi niya malilimutang karanasan tungkol sa kaniyang kapitbahay na sumakabilang buhay na.

"Lumabas kasi ako ng madaling araw, nakita ko, kapitbahay namin, tumatambay doon sa harapan, nakagawian na niya 'yun eh. Pumasok ulit ako sa loob ng bahay, natulog ako ulit. Paggising ko, ibinalita sa akin, nagulat ako patay na pala siya kahapon pa yata," lahad ni Ken.

"Hindi multo 'yung nakita ko. As in, normal na, walang aninag, walang ganu'n ganu'n, normal na tao. Namatay na siya bago ko pa siya makitang nandu'n sa gate. So sabi ko, 'Ano 'yung nakita ko? Siya 'yon? Hindi ako nagkakamali," nalilito niyang tanong.

Samantala, nasa Malaysia naman si Rita Daniela para magturo ng performing arts nang may maranasan siyang paranormal.

"Nagturo ako ng dance and singing doon. 'Yung schedule ko tapos na. 'Yung next na schedule ko na turo, 4: 00 pm pa. So, tulog muna ako. Nu'ng moment na pagpikit na pagpikit ko ng mata ko, merong tumakbo na bata. May kalaro siya, babae," ayon kay Rita.

Patuloy niya, "Lahat, padyak, naramdaman ko. It's really alive. So siguro mga isang oras, nakadilat lang ako, alam mo 'yung gusto kong tumakbo kasi baka pagbukas ko ng pintuan, nandun siya nakaabang, baka makipaglaro siya sa akin."

Ang independent living na si Arra San Agustin, mayroon umanong nakatatakot na karanasan sa kaniyang tinitirahan.

"Natutulog lang ako, walang electric fan, walang air-con. Tapos meron lang akong kumot. Dumating 'yung mom ko, tapos sabi niya, 'Ayan na may bread akong dinala." Paggising ko wala 'yung mommy ko, walang tao," balik-tanaw niya.

"Pinilit kong matulog. Tapos nagising ulit ako, 'yung electric fan bumukas. Feeling ko na-sleep paralysis lang ako. Minove[move] ko 'yung toes ko, 'yung fingers ko, sabi ko hindi ako... tapos hindi ako makagalaw. Gumising ulit ako, may electric fan na sa mukha ko. Alam mo 'yung parang hinahangin 'yung mukha ko," patuloy niya.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News