Sa halagang nasa 380,000 yuan o $55,065, maaari nang ipa-clone ng mga amo ang kanilang mga paboritong alagang aso sa China.

Sa ulat ng Reuters, sinabing isa sa mga matagumpay na naipa-clone ang sikat na aso na si "Juice," na napanonood sa telebisyon at Chinese movie.

Ayon sa master at animal trainer na si He Jun, nais nais niyang mapanatili ang star pooch’s image ni Juice sa pamamagitan ng genetic clone na ginawa ng Sinogene, kauna-unahang biotech company sa China.

“Juice himself is a piece of intellectual property with social influence,” sabi ni He.

Sinabi naman ni Mi Jidong, CEO ng Sinogene, nasa initial stages pa lang ang kanilang  pet cloning business at plano nilang palawakin ito para makasama ang gene editing.

“We’ve discovered that more and more pet owners want their pets to accompany them for an even longer period of time,” sabi ni Mi.

Nitong unang bahagi ng taon,  matagumpay na nakapag-clone ng unggoy ang isang lab sa Shanghai.

Para ma-clone si Juice, kinunan siya ng skin sample sa ibabang bahagi ng tiyan.

Sunod nito ay kinuha naman ng Sinogene ang kaniyang DNA at nag-fertilize ng egg na inilagay sa uterus ng isang beagle na nagsilbing surrogate mother dog ni "Little Juice."-- Reuters/FRJ, GMA News