Isang turkey o pabo ang kinabiliban ng netizens matapos siyang makunan ng video na mistulang nagta-trapik sa isang highway sa New Hampshire. Pero hindi lang para sa sarili niya ang dahilan kung bakit niya pinatigil ang mga sasakyan. Panoorin.

Sa Facebook post ng Fox News, makikita sa video na kuha ni Donny Pomerleau, ang naturang pabo na nakataas at pinalapad niya ang kaniyang buntot na parang sumisenyas sa mga motorista.

Sinunod naman ng mga motorista ang pabo at tumigil, at doon na nagtawiran ang iba pang mga pabo.

Ang pabo na tila nagtrapik ang siyang pinakahuling tumawid.

Nilagyan ni Pomerleau ng caption na, "What a gentleman!," ang kaniyang video post.

Ayon sa mga komento ng ilang nakapanood sa video, lalaki ang pabo at mga babaeng pabo ang kaniyang mga tinulungang makatawid.

Ugali raw talaga ng mga lalaking pabo ang pagiging mapagprotekta sa mga babaeng pabo.

Maliban sa lalaking pabo, humanga rin ang netizens sa mga motoristang hinayaan ang mga pabo na makatawid.

May iba namang nagkomento na hindi naiwasan ikumpara ang lalaking pabo sa ilang kalalakihan pagdating sa paggalang sa kababaihan.

Umabot na sa mahigit 22 milyon views ang naturang video ng Fox News.

-- FRJ, GMA News