Ngayong halos patapos na ang bilangan ng mga boto sa idinaos na halalan nitong Lunes, ilang celebrity na tumakbo ang kuminang ang star power at mayroon din namang hindi.

Muling makababalik sa Senado sina Grace Poe at Lito Lapid.

Sa 12 upuan na bakante sa Senado, nasa ika-10 puwesto si Bong Revilla, nasa ika-13 puwesto si JV Ejercito at pang-15 ang kapatid niyang si Jinggoy Estrada.

Pang-11 si Koko Pimentel at pang-12 puwesto si Nancy Binay.

Batay sa partial at unofficial count nitong Martes dakong 3:50 p.m., nasa 95.2 percent ng kabuuang election returns ang naproseso at mayroon pang mahigit apat na porsiyento ang hinihintay at bibilangin.

Kaya naman may posibilidad pang magbago ang bilang ng boto ng ilang mga kandidatong senador na malapit sa tinatawag na "winner circle."

Tinanggap naman ng broadcast journalist na si Jiggy Manicad ang pagkatalo niya sa senatorial race. Bigo rin sa kaniyang senatorial campaign ang singer na si Freddie Aguilar.

Ang asawa ni Revilla na si Lani Mercado-Revilla, panalong mayor ng Bacoor, Cavite, habang vice governor naman ng lalawigan ang anak niyang si Jolo.

Sa Maynila, magiging bagong alkalde ng lungsod si Isko Moreno matapos niyang talunin ang incumbent mayor at dati ring aktor na si Joseph "Erap" Estrada.

Tagumpay din sa kanilang panibagong termino bilang kongresista ng ikatlong distrito ng Maynila si Yul Servo.  Wagi rin sa unang pagsabak niya sa pulitika bilang kongresista ng Las Piñas ang dating TV host na si Camille Villar.

Mula sa pagiging dating bise governador ng Bulacan, ngayon ay magiging gobernador na ng lalawigan si Daniel Fernando. Nangunguna rin sa botohan bilang bise gobernador ng Camarines Sur ang singer na si Imelda Papil.

Magiging bagong bise alkalde naman ng Quezon City si Gian Sotto, at mananatiling kongresista ng 5th district ng lungsod si Alfred Vargas.

May posibilidad naman na makapasok na mga konsehal ng Quezon City sina Lala Sotto, Hero Bautista at dating PBA player na si Franz Pumaren. Pero bigo naman sina Jan Marini Alano at Polly Yllana.

Nag-no.1 naman sa bilangan ng mga konsehal sa Valenzuela si Charee Pineda. Balik-Kongreso rin ang dating broadcast journalist na si Sol Aragones sa Laguna.

Sa Parañaque City, pasok sa pagka-konsehal ang singer na si Roselle Nava at mga aktor na si Jomari Yllana at Vandolf Quizon.

Hindi naman pinalad si Jeremy Marquez na maging bise alkalde ng lungsod. Samantalang sa walong konsehal na mauupo, nasa pang-10 sa bilangan si Rochelle Barrameda, at pang-siyam naman si Dominic Ochoa.

Ang direktor na si Lino Cayetano, magiging alkalde na ng Taguig City.  Nanguna naman bilang konsehal sa Makati si Jhong Hilario. Pero hindi pinalad ang aktor na si Monsour del Rosario, na tumakbong vice mayor ng Makati.

Sa Ormoc City, balik sa pagiging alkalde si Richard Gomez, at kongresista muli ang misis niyang si Lucy Torres-Gomez.

Balik-Kongreso rin si Vilma Santos-Recto bilang kongresista ng Batangas.

Ang dating Viva Hot Babes na si Andrea del Rosario, bigong manalo para sana sa ikalawa niyang termino bilang vice mayor ng Calatagan sa Batangas.

Pero ang dati niyang kapwa-Viva hot Babes na si JC Parker-Aguas, panalo bilang konsehal sa Angeles City sa Pampanga. Ang aktres na si Maricel Morales, bigo naman na maging bise alkalde sa Angeles City.

Hindi rin pinalad si Edu Manzano sa kaniyang kandidatura bilang kongresista sa San Juan matapos na matalo siya sa political giant ng lungsod na si Ronaldo Zamora.

Sa Maynila na anim na konsehal ang maluluklok,  nasa ika-11 puwesto sa bilangan ng ikalawang distrito si Sheryl Cruz, at pang-8 naman sa 4th district si Jerika Estrada.

Bigo rin sa kaniyang kandidatura bilang kongresista sa Camarines Sur ang komedyanteng si Long Mejia. Gayundin si Roderick Paulate na tumakbong vice mayor sa Quezon City.

Hindi rin pinalad sa kaniyang pagbabalik-pulitika si ER Ejercito na muling kumandidatong gobernador ng Laguna. Bigo rin si Rommel Padilla na kumandidatong kongresista sa unang distrito ng Nueva Ecija.

Talo rin si Gary Estrada na tumakbong vice mayor sa Cainta, Rizal. Gayundin si Richard Yap na kumandidatong kongresista sa unang distrito ng Cebu.

Tagumpay naman muli sa kaniyang kandidatura bilang board member ng Laguna si Angelica Jones, at nanalo rin na board member sa Rizal ang aktor na si Jestoni Alarcon.-- FRJ, GMA News