Ikinababahala ng ilang doktor ang pagdami umano ng mga bata na nagkakaaltapresyon na itinuturing "silent killer." Ang itinuturong dahilan nito, ang kawalan ngayon ng mga bata ng aktibong lifestyle.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Dr. Rafael Castillo, council member ng International Society of Hypertension at dating pangulo ng Philippine Society of Hypertension, nasa 86,000 ang namamatay sa bansa kada taon dahil sa sakit na may kaugnayan sa hypertension o high blood pressure.

"Katumbas 'yan ng apat na jumbo jet na nagka-crash every week and yet medyo matamlay ang ating reaction," ayon kay Castillo.

Mas nakababahala pa raw ngayon dahil dumadami ang mga batang nagkakaroon ng naturang kondisyon sa kalusugan na kahit nasa edad lima, sampu hanggang labingdalawa.

"Habang nag-i-increase yung childhood obesity or overweight, tumataas rin ang presyon nila. We're basing it on global prevalence," paliwanag ng doktor.

Ang pagkakaroon umano ng sedentary o hindi aktibong lifestyle ang itinuturing na isa sa mga dahilan kung bakit nagkaka-altapresyon ang mga bata.

Sa halip na magkaroon ng physical activity tulad ng paglalaro, nakababad na raw kasi ngayon ang maraming bata sa tv o gadgets.

Bukod pa diyan ang uri ng kanilang kinakain tulad ng mga de lata, processed food at mga instant na pagkain.

"Yun ang masasarap at malalasa kasi mataas ang trans fat content," sabi ni Castillo.
Kaya mahalaga raw na mamonitor ng mga magulang ang pagkain ng mga bata dahil wala raw pinipiling edad ang cardio vascular diseases o sakit sa puso.

"Early vascular aging na nagsisimula pa sa mga bata kung talagang grabe yang lifestyle nila, unhealthy. Lalo na kung may history ang family talaga," paalala pa ni Castillo.-- FRJ, GMA News