Sa pagbisita nina Alden Richards at Kathryn Bernardo sa GMA show na "Unang Hirit" sa Biyernes ng umaga, babalikan ng aktres ang kinabilangan niya noong serye bilang dating Kapuso.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabing magiging no holds barred ang pakikipagkulitan nina Alden at Kathryn sa "Unang Hirit".

Nang ipakita ang video at larawan ni Kathryn noong 2010 na bahagi siya ng isang Kapuso series, napatawa ang aktres.

Ginampanan noon ni Kathryn ang karakter na young "Jenny" sa Philippine adaptation ng "Endless Love," kung saan ang karakter ay naging si Marian Rivera nang maging dalaga na.

Bukod sa pagbabalik-tanaw ni Kathryn bilang dating Kapuso, sumabak din sila ni Alden sa photo booth challenge, at ikinuwento ang kanilang naging first impression sa isa't isa.

"Nu'ng nagkita kami sa storycon, napa-ganu'n ako [nagulat], na-intimidate ako," saad ni Alden.

Sabi naman ni Kathryn, "Ako first impression ko sa kaniya nu'ng storycon, very mature."

"Hindi matanda, mature kasi," paglilinaw pa niya.

Natatawang dugtong ni Alden, "Kasi nga mukha akong tito."

Abangan bukas ng umaga sa "Unang Hirit" ang buong kulitan nina Alden at Kathryn, na bibida sa upcoming movie na, "Hello, Love, Goodbye." --FRJ, GMA News