Umaasa ang lalaking nanakit umano ng Grab driver at nanipa pa ng sasakyan na magkakaayos din sila ng biktima matapos siyang ireklamo at makulong, pati na ang kaniyang kasintahan sa Quezon City.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, nakapanayam sa loob ng kulungan ng presinto si Jan Jervi Mercado, na inireklamo ng Grab driver na si Ed Tugade dahil sa ginawang pananakit sa kaniya at pagsipa sa kaniyang sasakyan.

Bukod kay Mercado, inaresto rin ng mga pulis ang nobya niya na si Rhea Sangil, dahil pananabunot umano kay Tugade.

Nangyari ang insidente sa Barangay Del Monte noong Lunes ng umaga kung saan nag-viral pa sa social media ang video ng naturang tagpo na makikitang galit na galit sina Mercado at Sangil.

Ikinagalit umano nina Mercado ang pagtanggi ni Tugade na isakay ang mga kaanak nito nang malaman niya na lima ang magiging pasahero niya, kasama ang isang bata.

Iginiit ni Mercado na apat lang ang dapat na isakay sa kaniya bilang pagtalima sa patakaran ng Grab. Bagay na hindi sinang-ayunan ni Mercado at iginiit na maliit na bata lang naman ang isa.

Paglilinaw ni Grab Philippines president Brian Cu sa Facebook, tama ang kanilang Grab partner na si Tugade sa ipinaliwanag nitong patakaran.

“Lilinawin ko lang, bawal ang overloading. Bata man, matanda man, 'pag sinabing Grab car, hanggang apat lang na pasahero,” saad ni Cu.

Bagaman makikita sa viral video na galit na galit si Mercado, iginiit niya na hindi siya ang nagsimula ng away.

"Prinovoke niya lang din ako na suntukin ko siya e," giit ni Mercado, sabay sabing itinulak siya ni Tugade.

"Pinagduduro niya [ko] tapos pinagmumura niya yung mga kapatid ko, tsaka yung sasakay sa kaniya na mga babae, tiyahin ko, kaibigan ng girlfriend ko tsaka girlfriend ko," paliwanag niya.

Itinanggi naman ito ni Tugade at tinawag na sinungaling si Mercado tulad ng sinabi nito at nakuhan sa video na Grab driver din siya.

Pero ayon kay Mercado, ang sinabi niya ay pinsan niya ang Grab driver kahit daw panoorin muli ang video.

Sa kabila ng lahat, umaasa si Mercado na maaareglo na lang ang sigalot nila ni Tugade.

"Hindi ko naman pinagmamalaki yun sir, pinagsisisihan ko din naman yun, kaya nga nandito ako ngayon sa loob e," saad niya. "Una pa lang mapagkumbaba na, moral lesson, yun lang sir."

Pero si Tugade,  tila wala pang plano na makipag-areglo; "Huwag na niya akong aregluhin para ano, kasi 'pag nagsalita siya ng areglo-areglo, sisingilin kita nang hindi mo kayang bayaran."

Kasong physical injury and malicious mischief ang isinampa laban kay Mercado, habang physical injury naman ang isinampa sa kaniyang girlfriend.-- FRJ, GMA News