Hinangaan ng stranded sa trapik na mga pasahero ang isang motorcycle rider na nagbigay ng libreng sakay kapalit ng dasal para sa kanyang anak na may sakit.

Sa ulat ng Balitanghali Weekend, sinabing lumutang ang kabayanihan ni Mchael Vinuga sa ginawa niyang libreng-sakay para sa mga nagmamadaling estudyante na apektado ng limitadong biyahe ng LRT2, matapos masunog ang power rectifier ng rail system noong ika-3 ng Oktubre.

Ayon sa isang estudyante na si Eulanne Reyes na pinasakay na libre ni Michael, "Nagpe-pray po talaga ako na sana hindi ako ma-late sa 1st subject ko. Maraming salamat, talagang nakaka-inspire yung kanyang ginawa kaya ipinost ko sa social media para makakalap ng prayer para sa kanyang anak na may sakit."

Itinuring ng estudyante na blessing in disguise ang libreng pasakay ni Michael.

Pahayag ni Michael, "Bilang parang panata, na hiningi ko sa Kanya (sa Panginoon) na 'pagalingin Mo, magsa-sacrifice ako na 'yung magsakay ako ng libre."

Pinipilit daw ni Eulanne na mag-abot ng bayad pero hindi raw ito tinanggap ni Michael humingi na lamang ng dasal.

Nagpasalamat naman ang asawa ni Michael sa mga tulong na dumating sa kanilang anak.

"Maraming salamat at napagaling natin si Marcos (may sakit na anak) sa prayer nila. kay Eulanne maraming salamat, okay na si Marcos, masaya na siya ngayon. Maraming salamat po sa kanila, hindi na po namin kailangan ng nebulizer." —LBG, GMA News