Sa harap ni Pangulong Rodrigo Duterte, nangyari ang emosyonal na pagkikita nina Gretchen Barretto at nakaalitan niyang ina sa burol nang namayapa nilang padre de familia na si Miguel.

Kabilang sina Pangulong Duterte at Senador Bong Go sa mga bumisita sa burol ni Miguel na pumanaw nitong Martes. (READ: Barretto sisters, Michael V., nagluluksa sa pagpanaw ng kani-kanilang ama)

Sa video na ini-upload sa Instagram account ni Claudine Barretto, makikitang nakaupo at kausap ni Duterte ang biyuda ni Miguel na si Inday.

Hindi nagtagal, dumating si Gretchen at unang nakaharap si Duterte.

Maya-maya pa, makikita nang mahigpit na niyakap ni Gretchen ang kaniyang ina.
Saad ni Claudine sa caption ng post: " proud of her."

"And then, we are Complete @gretchenbarretto im so Proud of u.I admire & luv u more today #doubleinfinity #thatsmyAte WELCOME HOME," she wrote.

 

 

Matatandaan na nagkaroon nang matagal na hidwaan ang mag-ina at naging laman pa ng mga balita.

Maging ang magkakapatid na Gretchen, Claudine at Marjorie ay nagkaroon din ng hindi pagkakaunawaan.

Bagaman nagkaayos na sina Gretchen at Claudine, hindi pa malinaw kung nagkasundo na rin sina Gretchen at Marjorie, na nasa burol din nang mangyari ang emosyonal na pagkikita ng mag-ina. --FRJ, GMA News