Mas malalaki at mas agresibo — ito ang katangian ng mga bagong saltwater crocodile na sunod-sunod na naengkuwentro ng mga taga-Languyan, Tawi-Tawi nitong Hulyo.

Hinala ng mga eksperto, posibleng nag-migrate pa sa Malaysia ang mga bagong buwayang ito, na tatawaging "Croc X."

Sa programang "Born To Be Wild," tinungo ni Doc Nielsen Donato ang Languyan, Tawi-Tawi para makuhanan ng sample ang Croc X na si Mookey Jr. at matukoy kung nanggaling nga ito sa ibang bansa.

Isa pa sa katangian ng mga Croc X na ito ang mga kaliskis o "post-occipital scales" sa mga batok nila, na hindi matatagpuan sa mga saltwater crocodiles sa Pilipinas.

Nang matalian si Mookey Jr. para sa DNA sampling, napansin ni Doc Nielsen na duguan, nabulok at naputol ang paa ng buwaya. Aniya, dahil ito mahigpit na pagkakatali.

Naging dagdag-hamon para sa mga taga-Languyan ang mamuhay kasama ng mga buwaya sa posibleng pag-migrate ng mga Croc X. Matapos mahuli si Mookey Jr., nahuli rin ang 12- talampakang si Mookey Sr., na kumakain umano ng mga alagang hayop ng mga residente.

Panoorin ang "Croc X Part 1" ng Born to Be Wild: 12th Anniversary Series. —Jamil Santos/NB, GMA News