Agaw-pansin sa Mabolo, Cebu ang isang drayber at ang kanyang sasakyang gawa sa kabaong.

Ayon sa ulat sa “24-Oras Weekend,” nakunan ni John Kiamco ang isang lalaking nakangiti at nagpe-peace sign pa habang minamaneho ang kanyang kotseng gawa sa kabaong.

Maraming netizens ang tuwang-tuwa sa video.

Pahayag ng isa, dapat daw ay sa gabi at sa may madilim na bahagi ng kalye magmaneho ang drayber ng kabaong upang “magtakbuhan ang lahat ng kasalubong niya.”

Hirit naman ng isa, baka raw siya ay atakehin sa puso kapag nakasalubong ang kotseng gawa sa kabaong!

Dagdag ng isa pang netizen, magandang paalala raw ang kotse para sa mga drayber na maging maingat sa pagmamaneho. —Julia Mari Ornedo/LBG, GMA News