Patay ang isang pulis matapos niyang gamitin ang sariling katawan upang protektahan ang mga tao—kabilang ang ilang estudyante—sa pagsabog ng granada na ibinato ng isang nagwalang lalaki sa loob ng isang paaralan sa Initao, Misamis Oriental nitong Huwebes.

Kinilala ng Misamis Oriental Provincial Police Office ang pulis na nag-alay ng kaniyang buhay na si Police Master Sergeant Jason Magno.

Nasugatan pero nakaligtas si Police Master Sergeant Alice Balido, at 10 estudyante ng Initao College dahil sa naturang pagsabog.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sinabing isang lalaki ang pumasok sa besinidad ng paaralan na may dalang granada.

Nakilala siya kinalaunan na si Ebrahim Ampaso Basher, 65-anyos, residente ng Madamba, Lanao Del Sur.

Kaagad na rumesponde ang mga pulis pero habang kinakausap nila si Basher ay inihagis nito ang dalang granada.

Dito na ginamit ni Magno ang sariling katawan para salagin ang pagsabog para wala nang ibang mapahamak.

Binaril at napatay naman ng kasamahan ni Magno ang suspek.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News "24 Oras", sinabing base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nanggulo raw si Basher sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources matapos na hindi pagbigyan na mabawi ang kanyang truck na nahuli kamakailan dahil sa dala nitong mga kahoy.

Kasunod nito ay nagbanta raw ang suspek na manggugulo pati sa kalapit na eskuwelahan.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa insidente. — FRJ, GMA News