Sa Chika Minute segment ng "24 Oras" nitong Huwebes, inihayag ni Joyce Pring ang ilang detalye sa magiging kasal nila ng kapwa niya Kapuso na si Juancho Trivino. Kung kailan ito magaganap, alamin.

READ: Joyce Pring at Juancho Triviño, engaged na

Si Joyce ang pansamantalang humalili kay Iya Villania bilang anchor naturang showbiz segment ng "24 Oras" kaya hindi siya nakawala sa mga tanong ng co-anchor niya na si Mel Tiangco.

Kaagad na tinanong ni Tita Mel, na "where and when" ang kasal.

Sabi ni Joyce, sa first quarter ng 2020 magaganap ang kanilang kasal na isang garden wedding.

May kaugnayan umano sa kanila ni Juancho ang lugar ng kanilang kasal.

"Very special kasi ito yung first place kung saan nag-'I love you' sa akin si Juancho," kuwento niya.

Nang tanungin ni Tita Mel kung may napili na silang mga ninong at ninang, binanggit ni Joyce si Arnold Clavio, na co-anchor din nila bilang pansamantalang kahalili ni Mike Enriquez.

"Ayan po, nandiyan na si Ninong Igan [Arnold Clavio]. Makakasama po natin," natatawang sabi ni Joyce.

Nang tanungin naman si Joyce kung ilan ang magiging anak nila ni Juancho, birong sagot ng Kapuso host, depende raw sa magiging regalo ni Igan.

Bagaman nitong linggo lang naibalita na engaged na ang dalawa, napag-alaman na tatlong buwan na ang nakararaan nang alukin ni Juancho ng kasal si Joyce, na tinanggap naman ng dalaga.--FRJ, GMA News