Nakaisip ng kakaibang paraan ang isang grupo ng mga kabataan kung papaano nila bibigyan ng birthday surprise ang isa nilang kaibigan.

Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Huwebes, makikita ang grupo na dahan-dahan na tila nagpuprusisyon habang may hawak na cake, bulaklak, kandila at tarpaulin ng pagbati sa may kaarawan na si Ichi Leona Cardona.

Nakapikit pa ang larawan ng may birthday sa tarpaulin.

Ayon sa uploader ng video na si Pam Tecson, ang plano lang talaga nila ay mag-ambagan para bumili ng cake na may nakasulat na pagbati.

Pero naisip nilang i-print sa tarpaulin ang litrato ng birthday celebrant.  Bumili na rin sila ng bulaklak at kandila.

Tawang-tawa naman daw si Ichi nang makita ang kakaibang paandar ng kaniyang mga kaibigan.

Pero kahit daw mukhang pang-patay ang kanilang sorpresa, long life naman daw ang wish nila para sa kanilang kaibigan.-- FRJ, GMA News