Aminado si 29-anyos na si Noel ng Oriental Mindoro na siya ang may kasalanan sa tuwing makikipaghiwalay siya sa kaniyang mga naging nobya. Pero hindi ang pagkalalaki niya ang problema, kung hindi ang hindi niya malamang dahilan kung bakit siya "dinudugo" buwan-buwan na tulad ng nangyayari sa babaeng nireregla. Puwede nga bang reglahin ang lalaki?

Kuwento ni Noel, 12-anyos siya nang una niyang mapansin ang pagkakaroon niya ng dugo sa kaniyang puwetan na nagsimula lang sa patak-patak. Inakala nila ng kaniyang ama na almoranas lang ang dahilan ng pagdurugo.

Pero nang lumaki siya, mas dumami na ang dugo at nakakaramdam din siya ng pananakit ng puson, at pagkairitable. Pero nawawala rin daw ang dugo pagkaraan ng pitong araw.

Inilihim niya sa kaniyang pamilya ang kaniyang kondisyon sa takot na maging tampulan siya ng katatawanan at ma-bully. Ngunit nang makita mismo ng kaniyang ina ang dugo, doon na niya ipinagtapat ang kaniyang kalagayan.

Sa tulong ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinatingin si Noel sa espesyalista at nagulat siya sa resulta ng pagsusuri na halos hindi niya matanggap. Ano nga ba ang dahilan ng kaniyang buwanang "dalaw" at may pag-asa pa kaya siyang gumaling?

Tunghayan ang nakagugulat na rebelasyon sa video na ito.


Click here for more GMA Public Affairs videos:
 

--FRJ, GMA News