Natupad na ang pangarap ng impersonator na si Chino Liu, aka Krissy Achino na makaharap nang personal ang kaniyang idol na si Kris Aquino.

Sa Facebook page ni Kris, ipinost niya ang pagkikita nila ng 24-anyos na si Krissy, na napanood noong Mayo bilang contestant sa "Wowowin."

Sobrang humanga noon ang host ng "Wowowin" na si Willie Revillame at tinawagan pa si Kris sa telepono para magkausap ang dalawa.

WATCH: Kris Aquino, handang magpaligaw kay Willie Revillame?

Maging si Kris, bumilib kay Krissy dahil sa lahat umano ng nanggagaya sa kaniya ay si Krissy ang pinaka-gaya ang kaniyang boses at diction.

“Thanks for doing a good job. Kasi alam ko inaaral mo talaga ako. I like you because you have the correct diction. It annoys me ‘pag mali ang diction,” sabi ni Kris.

Sa naturang programa rin inihayag ni Krissy na super dream niya na makaharap si Kris.

Sa video na ini-upload ni Kris, inalam niya ang ilang background tungkol kay Krissy tulad ng edukasyon, pamilya at love life nito.

Ikinuwento naman ni Krissy kung papaano siya napunta sa panggagaya kay Kris, at paano nakatulong ang paglabas niya sa "Wowowin."

Natuwa rin si Kris nang malaman niya na kahit papaano ay kumikita si Krissy sa panggagaya sa kaniya.

Pero nagulat si Kris nang malaman niya na ka-edad lang ni Krissy ang anak niyang Josh, at may edad na ang ina ng impersonator nang iluwal siya.

Sa huli, may ipinangako si Kris na ibibigay kay Krissy na ipadadala niya sa bahay nito. Kung ano ito, panoorin ang video:


--FRJ, GMA News