Mula nang pumanaw ang asawa ni Rhodora Peralta, mag-isa na niyang itinataguyod ang tatlo nilang anak na pawang nag-aaral pa. Bukod dito, kailangan din niyang alalayan ang kaniyang mga magulang.

Sa ngayon, bumalik sa pag-aaral sa ilalim ng K-12 program si Rhodora, at kasabay niyang pumapasok ang tatlo niyang anak. (WATCH: Mag-iina, pitong ilog ang tinatawid para makapag-aral)

Pagka-graduate, plano niyang kumuha ng vocational course sa TESDA dahil ang pangingibang-bansa ang nakikita niyang paraan para mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang mga anak at magulang.

"Alang-alang po sa mga anak ko, sa mga kapatid ko, gusto ko po talaga pumunta ng ibang bansa para masuportahan ko po talaga sila," naiiyak na pahayag ni Rhodora sa "Front Row."

"Ang sabi ko, 'Lord kung kalooban N'yo po na pumunta ako sa ibang bansa para matugunan ko yung pangangailangan ng magulang ko, hindi po ako susuko talaga," dagdag niya.

Sabi pa ni Rhodora, pangarap niyang makapunta sa Korea o Europa dahil dito niya nakita na malaki ang palitan ng piso. Tunghayan ang kaniyang kuwento sa video na ito.



--Jamil Santos/FRJ, GMA News