Sa panayam ng "Unang Hirit" kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanilang ika-20 anibersaryo, natanong ang presidente kung mayroon siyang maiaalay na kanta para kay Bise Presidente Leni Robredo.

"Is there a song 'Tinimbang Ka Ngunit Kulang?,'" sagot ni Duterte kay Arnold "Igan" Clavio.

Nang tanungin muli ni Arnold kung iyon ang nakikita ng pangulo sa bise presidente, tugon ni Duterte, "Frankly, yes."

Giit ng pangulo, hindi madaling tapusin ang giyera kontra ilegal na droga at krimen.

"Leni keeps on harping on so many things na it has not succeeded. Eh hindi namin masabi sa kaniya kung bakit eh. So sabi ko, 'Why don't you just join us?' At actually it was an exasperation thing for me," anang pangulo.

"Eh 'di sabi ko, 'Eh 'di ikaw sumali ka na para malaman mo," patungkol ng Punong Ehekutibo sa pagtalaga niya kay Robredo noon bilang vice chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Pero inabot lang ng ilang linggo si Robredo sa naturang posisyon at sinibak din ng pangulo.

Muling sinabi ni Duterte na ginawang "a—hole" ni Robredo ang sarili nang konsultahin ng bise presidente ang U.S. embassy, United Nations at iba pang organisasyon na kritikal sa programa ng gobyerno laban sa ilegal na droga.

Inihayag din ni Duterte ang kaniyang kinatatakutan sa mga ginagawang hakbangin ni Robredo nang italaga niya ang huli sa ICAD.

"Ang kinatatakutan ko magkalat siya... Kaya ako takot, the more that she stays with the ICAD, the more that she would create issues and the more that the people will be like wondering, 'Ano bang totoo dito?'"

"Ang kinatatakutan ko, kasi wala talaga siyang alam," dagdag ni Duterte.

Panoorin ang buong panayam ng Unang Hirit kay Presidente Duterte sa video.-- FRJ, GMA News