Nagkabalikan umano ang dating magkasintahan na sina Abby Viduya at Jomari Yllana, ayon sa ulat ng PEP.ph.

Sa artikula ni Arniel C. Serato nitong Lunes sa PEP.ph, sinabing nakapanayam si Abby sa pamamagitan ng direct messaging (DM) sa Instagram nitong Linggo, December 8,

Dating sexy actress si Abby na kinalaunan ay nangibang-bansa.  Pero ngayon ay mananatili na raw siya sa Pilipinas.

Ngunit bago naging sexy actress, unang sumikat si Abby noong 1990's at halos magkasabay sa showbiz si Jomari.

Si Jomari ay bahagi ng sikat na grupong “Guwapings” kasama sina Mark Anthony Fernandez at Eric Fructuoso. Si Abby naman ay tinagurian noon bilang "Babaeng Guwaping."

Sumabak din noon si Abby sa "Titillating Films" ng Seiko Films at ni-repackage bilang si Priscilla Almeda.

Ngayon, kapwa 43-anyos na ang dalawa at muli raw nagbigyan ng ikalawang pagkakataon ang kanilang pag-iibigan.

“First love ko si Jom and we are given a chance to finally be together,” sabi ni Abby.

Nang tanungin masasabi ba ni Abby na totoo ang “first love never dies,” tugon niya,  “Is that what it is?

“Jom has always had a special place in my heart ever since we were 15.

“That has never gone away.”

May dalawang anak si Abby sa huling partner niya, at isa sa naunang naging karelasyon niya.

May dalawang anak naman na lalaki si Jomari sa huling nakarelasyon niya.

Pag-amin ni Abby, kahit noong nasa Canada pa siya ay nag-uusap na sila ni Jomari.

Noong umuwi siya noong July 2019, nagpatuloy ang naudlot nilang relasyon noong dekada ’90. (For the full story, visit PEP.ph).-- FRJ, GMA News