Ikinasal na nitong Linggo sa Baguio City ang Kapuso actress na si Joyce Ching at non-showbiz boyfriend niyang si Kevin Alimon.  Napag-alaman naman na mula nang maging magkarelasyon, napagkasunduan ng dalawa na hindi sila magki-kiss habang hindi pa sila kasal.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing larawan ng isang radiant bride si Joyce sa kaniyang kasal na pinangunahan ng anak ng yumaong si Helen Vela na si Pastor Paolo Punzalan.

Parehong kasapi ng Victory Christian Fellowship sina Joyce at Kevin, at doon sila nagkakilala. Bagaman nagkaroon sila ng pagkakataong maging malapit sa isa't isa, pero apat na taon silang nawalan ng komunikasyon.

Ngunit sadya talagang itinadhana sila sa isa'y isa dahil muli silang nagkita sa isang church activity at doon na nabuo ang pagmamahalan na nauwi na sa kasalan.

"Sobrang thank you Lord. Dinaan po sa dasal, sa matinding dasalan at natupad naman," masayang sabi ni Joyce.

Mmula nga raw nang maging sila, hindi pa nag-kiss sina Joyce at Kevin dahil gusto raw nilang mapanatili ang purity ng kanilang relasyon.

"Gusto ko na ngang matapos so I can kiss her," biro ni Kevin.

Kaya nang dumating ang bahagi ng wedding ceremony kung kailan hahalikan na ng groom ang bride, halos kalahating minuto umano bago dumampi ang halik ni Kevin kay Joyce.

Sumaksi naman sa kasalan ang ilan sa Kapuso stars tulad nina Janine Gutierrez, Rita Daniela at Mikoy Morales. Samantalang kasama sa mga abay sina Thea Tolentino at Julien Lee, at bible bearer si Alden Richards, at ninong si Dingdong Dantes.-- FRJ, GMA News