Kasunod ng pag-apruba ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa resolusyon na nagpapatupad ng total deployment ban ng mga manggagawang Pinoy sa Kuwait, inihayag ng ahensiya ang mga klase ng trabaho na hindi sakop ng ban.

Nitong Huwebes, sinabi ng POEA na hindi kasama sa ban ang mga skilled at professional Filipino workers, na nakabakasyon sa Pilipinas at nakatakdang bumalik sa Kuwait.

"Ang sakop po ng total deployment ban ay lahat ng HHWs (household workers) natin; maging sila ay new hires o balik-manggagawa, hindi na natin papayagan... Sakop din ho ng ating deployment ban 'yung new hires na skilled at professionals," paliwanag ni POEA Administrator Undersecretary Bernard Olalia sa panayam ng Dobol B sa News TV.

"Ang hindi lang ho sakop, 'yung exempted kung tawagin natin ay 'yung mga balik-manggagawa na skilled at professionals... 'yung nagbakasyon lamang," dagdag niya.

Unang nagpatupad ng partial deployment ban ang Pilipinas matapos mamatay sa bugbog umano ng amo ang household worker na si Jeanelyn Villavende.

Sa partial ban, ang mga bagong aplikanteng HHW lang ang mga pinagbawalang ipadala sa Kuwait.

Pero nitong Miyerkules, binago ng POEA Governing Board ang partial ban at ginawa nang total deployment ban matapos lumabas sa autopsy report na isinagawa ng National Bureau of Investigation sa mga labi ni Villavende na pinagsamantalahan din siya.

Sa autopsy report na galing sa ospital ng Kuwaiti, lumitaw na binugbog ang biktima pero walang nakasaad na pinagsamantalahan si Villavende.

Sinabi ni Olalia na mananatili ang total deployment ban hangga't hindi nakakamit ni Villavende ang katarungan.

"Hangga't hindi po nakakamit ng ating kababayan 'yung hustisya na dapat ibigay sa kaniya, hindi po natin ili-lift ang deployment ban," ayon sa opisyal.

"Ang bola po ay nasa Kuwaiti government na madaliin 'yung pagpoproseso ng kaso, 'yung pagsasampa at pagpapa-file para magkaroon agad ng hustisya 'yung ating kababayan," dagdag niya.

Pinayuhan ni Olalia ang mga OFW na maaaepektuhan ng ban na pumunta sa tanggapan ng POEA, Department of Labor and Employment, at Overseas Workers Welfare Administration para matulungan na makahanap ng ibang mapapasukan.— FRJ, GMA News