Isang hindi makakalimutang debut ang ginanap sa Nasugbu East Central School sa Nasugbu, Batangas nitong Lunes ng gabi nang magdiwang ng ika-18 na kaarawan ang isang babaeng evacuee mula sa Talaga, Lemery, Batangas.

Nagtulong-tulong ang mga guro, barangay officials ng Barangay Lumbangan at mga kasama sa evacuation center upang masaya at matagumpay na maidaos ang debut.

 

 

Ang mga damit na isinuot ng debutante pati na ang mga miyembro ng 18 roses o cotillon ay nagmula sa mga donasyong damit.

 

 

 

Masayang ipinagdiwang nitong Lunes, Enero 20, 2020, ang ika-18 na kaarawan ng Taal evacuee na si Regie mula sa bayan ng Lemery, Batangas sa Nasugbu East Central School na naging evacuation center dahil sa pagsabog ng Taal Volcano. Photo courtesy: Nasugbu East Central School

 

Dahil walang pagkakataon at kakayanang bumili ng bagong sapatos, lahat halos ay naka-tsinelas lang.

Ang mga guro at barangay officials din ang nanguna sa programa.

 

Nagtulong-tulong ang mga guro at barangay officials para mabigyan ng kasiyahan ang debutanteng si Regie at ang iba pang evacuees sa Nasugbu East Central School sa Nasugbu, Batangas nitong Enero 20, 2020. Photo courtesy: Nasugbu East Central School

 

Nagtulong-tulong naman ang lahat upang may maihanda sa debut.

Sobrang kagalakan daw ang naramdaman ng debutanteng si Regie, ganoon din ng kanyang pamilya.

Nagpapasalamat siya sa lahat ng tumulong upang maidaos ang kanyang debut.

 

Nagpasalamat ang Taal evacuee at debutanteng si Regie sa lahat ng tumulong at dumalo sa kanyang debut na ginanap nitong Lunes, Enero 20, 2020, sa Nasugbu East Central School sa Nasugbu, Batangas. Photo courtesy: Nasugbu East Central School

 

Ang bayan ni Regie na Lemery ay isa sa mga lugar na sakop ng 14-kilometer radius danger zone mula sa Taal Volcano.

Nananatiling nakataas ang Alert Level 4 sa Taal Volcano nitong Martes. —KG, GMA News