Isang motorista na dumadaan sa mega dike access road sa Pampanga ang nakakita sa isang lalaki na bigla na lang sumulpot sa gitna nang dilim. Tila wala raw itong ulo at nakalutang ang mga paa kaya inisip niyang baka multo. Nang makita ng mga pulis ang video, natukoy nila kung sino ang taong nahuli-cam na biktima ng hit and run.

Dahil sa nangyaring pagputok noon ng Mt. Pinatubo na pinagmulan ng mapaminsalang lahar, itinayo ang 56 kilometers na mega dike na ngayon ay nagdudugtong sa mga bayan ng Porac at Bacolor, na ginawa ring daanan ng mga sasakyan.

Pero madalas na may nangyayaring sakuna sa naturang mega dike at tinatapunan pa raw ng bangkay.  Dahil dito,  hindi din maiwasan ang mga kuwentong kababalaghan tungkol sa umano'y mga nagpaparamdam o nagpapakitang multo.

Kuwento ng motoristang si Edward sa "Kapuso Mo, Jessica Soho,"  isang gabi nang dumaan siya sa access road ng mega dike, bigla siyang may nakita imahe ng tao na tila umano walang ulo at nakalutang ang mga paa.

Nagtataka umano siya kung saan nanggaling at papunta ang lalaki dahil wala naman daw siyang alam na kabahayan na malapit sa lugar.

Minsan naman ay may nakita umano siyang tila taong nakapula na nasa gilid mega dike.  Palaisipan din sa daw ito dahil wala namang  bahay sa lugar.

Nang ipinakita sa Bacolor Police ang mga video at makita nila ang lalaking sinasabing tila walang ulo at nakalutang ang mga paa, nakilala nila ang lalaki na biktima ng hit and run.

Kung sino ang hinihinalang multo at papaano siya nabiktima ng aksidente, panoorin ang episode na ito ng "KMJS."

Click here for more GMA Public Affairs videos:
 

--FRJ, GMA News