Hustisya ang sigaw ng pamilya ng mag-inang nasawi sa Bulacan matapos silang suyurin ng isang truck na may kargang backhoe. Ang driver naman ng truck, idinahilan na nawalan ng preno ang sasakyan at umamin daw na nakadroga.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "Saksi" nitong Martes, sinabing ipina-drug test na ng mga awtoridad ang driver ng truck na si Eliazar Lumawag, na bahagi ng imbestigasyon at umamin daw ito na nakagamit ng droga.

Nasawi sa naturang sakuna sa barangay Santo Cristo, San Jose del Monte, Bulacan ang mag-inang Michelle Ramos, 17-anyos, at tatlong buwang gulang niyang anak na si Mateo.

Nakita ang mag-ina na nakapailalim sa mismong ang flatbed truck na pinagkargahan sa backhoe.

Siyam na iba ang nasugatan sa sakuna at isinugod sila sa ospital.

Paliwanag ni Lumawag, nawalan ng preno ang truck at iniwasan niya ang nasa harapan niyang jeepney.

"Namili ako dun sa jeep saka sa pinasukan ko hindi ko alam kung ano ang pinasukan ko na yun, pinili ko yung pinasukan 'pag sa jeep marami ako maano dyan,' depensa niya.

Ayon sa isang lalaki sa lugar, kaagad niyang tinakbo ang driver dahil plano umano nitong tumakas.

Nang tinatanong si  Lumawag, itinanggi niya na nakainom siya pero inamin niyang gumamit siya ng droga.

Kuwento ng asawa ni Michelle, dumalaw lang sila sa Bulacan at pauwi na sana sila at nagbibihis na ang kaniyang mag-ina nang mangyari ang trahediya.

"Nandun po ako sa kusina ayun po rumagasa na po yung truck tapos nagpagulong gulong na kami. Tapos nagising po ako nakaipit po ako sa yero," kuwento ni Rolly, na kabilang sa mga nasaktan, pati na ang kaniyang ama.

"Naririnig ko po yung asawa ko tinatawag nya po ako sabi niya, 'tulungan mo ako.' Tapos ayun nakita ko po sa ilalim may sugat na po yung kamay niya, nakaipit na po siya sa may gulong tapos sabi niya po yung anak namin," malungkot na pahayag ni Rolly.

Ayon kay Lumawag, galing sila sa pier para kunin ang backhoe at papunta na sana sa Norzagaray, Bulacan

"Sa taas palang pagpitik ko ng preno unti,  tapos nung preno ko uli wala na, bumaba na hangin ko. Bumulusok na pababa," paliwanag niya.

Humihingi siya ng tawad sa pamilya ng mag-inang namatay.--FRJ, GMA News