Naging tila eksena sa pelikula ang pagtugis ng isang taxi driver sa isang motoristang sakay ng kotse na nakabangga ng tao sa Antipolo, Rizal pero tinakbuhan nito.  Ang biktimang namatay, natuklasan ng taxi driver kinalaunan na kaibigan pala niya.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, ipinakita ang video na kuha sa dashcam ng taxi driver na si Garry Torrrequemada, habang hinahabol niya ang tumakas na motoristang nagmamaneho ng pulang kotse.

Nang makuha na ni Torrrequemada ang atensiyon ng driver ng kotse, tumigil na ito sa gilid at saka bumababa. 

Tuliro ang driver at maiyak-iyak sa pagpapaliwanag sa ginawa niyang pag-iwan sa biktima. Sa lakas ng pagkakabangga sa biktima, nabasag ang windshield ng kotse at nayupi ang gilid ng hood.

Kaagad ding tumawag ng pulis si Torrrequemada at naaresto ang suspek.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News "24 Oras," sinabi ni Torrrequemada na nag-aabang siya nang pasahero nang makita niya ang pagtilapon ng biktima kaya naawa siya at hinabol ang tumakas na motorista.

Aminado rin siya na kabado siya habang hinahabol ang nakabangga pero nangibabaw pa rin sa kaniya ang awa sa biktima.

Kinalaunan, nalaman ni Torrrequemada na namatay ang biktimang si Arnold Bunales, isang pedicab driver at lumitaw na kaibigan pala niya.

Kuwento ni Torrrequemada, dati rin siyang pedicab driver at doon sila naging malapit ni Bunales.

Labis ang pasasalamat ng misis ni Bunales na nahuli ang suspek na driver.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na patawid si Bunales nang masalpok ng suspek.

Sa presinto, nakaharap ng misis ng biktima ang suspek at nagkaroon na lang sila ng amicable settlement kaya nakalaya ang nakabundol.

Sa kabila ng kasunduan, sinabi ng Land Transportation Office na maaaring pa ring matanggalan ng lisensiya ang suspek.-- FRJ, GMA News