Nagbabala sa publiko si Labor Secretary Silvestre Bello III laban sa mga nag-aalok ng trabaho sa Yukon, Canada at nanghihingi ng pera sa bibiktimahin.

Sa isang pahayag, sinabi ni Bello na batay sa nakalap nilang impormasyon ay mayroong website ang manloloko at ginagamit ang isang tunay na  Yukon HR practitioner para mambiktima ng mga Pinoy.

READ: Trabahong bubuksan ng Canada para sa mga Pinoy, aabot umano ang sahod mula P80k hanggang P300k; puwede pang dalhin ang pamilya

Aabot umano sa USD440.00 ang hihingin ng manloloko sa mabibiktima kapalit ng iaalok na trabaho na wala naman talaga.

"The fraudsters took advantage of the Department’s announcement in September last year on the employment opportunities in various industries in Yukon," sabi sa pahayag.

Payo ni Bello, laging alamin sa website ng Philippine Overseas Employement Administration (poea.gov.ph) kung totoo ang mga natatanggap na alok na trabaho sa ibang bansa.

Makabubuti rin umanong isumbong sa POEA (info@poea.gov.ph) ang mga kahina-hinalang job offer.

Paglilinaw ng DOLE, hindi pa napipirmahan ng Pilipinas at Yukon ang bilateral labor agreement para sa mga trabahong ibibigay sa mga Pinoy.

“Based on the report by our POLO Vancouver, the Yukon government is still studying the memorandum of understanding, and DOLE will provide an update on this undertaking,” sabi ni Bello.--FRJ, GMA News