Mabilis na naging trending topic sa Twitter nitong Miyerkules ang #ProtectVico, Vico Sotto at Mayor Vico matapos iulat na pinagpapaliwanag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang alkalde ng Pasig dahil sa posibleng paglabag umano sa Bayanihan to Heal as One Act.

Ang naturang batas ay binuo para matugunan ng pamahalaan ang krisis na kinakaharap ng bansa dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

 


Partikular, na pinagpapaliwanag si Mayor Vico dahil sa umano'y pagpayag niya na mag-operate ang mga tricycle sa kaniyang nasasakupan sa kabila ng pagbabawal na payagang bumiyahe ang mga pampublikong sasakyan habang umiiral ang community quarantine period.

Pero paglilinaw ng alkalde, nagpahayag lang siya ng mungkahi na magamit ang mga tricycle ng mga kailangang bumiyahe tulad ng mga frontliner at magpapagamot.

Hindi rin naman daw niya ito itinuloy bilang pagsunod sa pasya ng national government na bawal na pumasada ang mga tricycle.

Dagdag niya, ginawa niya ang mungkahi bago pa man maisabatas ang Bayanihan Act noong Marso 24 kaya hindi pa ito umiiral noon.

Mabilis namang nagpahayag ng kanilang saloobin ang mga netizen at ilang celebrity para kampihan si Mayor Vico.

Sabi ni Janine Gutierrez: "Busy po siya. Bakit hindi nalang si Senator Koko Pimentel ang ipatawag ninyo? Or yung isang Mayor, marami daw po kasi naghahanap sa kanya.”

Pahayag naman ni Zsa Zsa Padilla: "Like, seriously? Is it because he makes everyone else look bad at their supposed job?! Unbelievable. Pwede ba kayong magpaka busy sa ibang bagay?! Busy si Mayor. Tantanan nyo naman sya, please! Dami pa nyang gagawin. #OnlyInThePhils #ProtectVico"

Dagdag pa ng mang-aawit: "Bakit ganun. Namimili ng ipapatawag. Samantalang yung iba dyan obvious na panlalabag ng batas eh nakalusot at di man lang napagsabihan. Ano ito? Bwisit. Nakakagalit."

Si Angel Locsin, aminadong hindi marunong sa batas dapat daw na isang senador ang ipatawag sa halip na si Vico.

Hirit naman ni Kim Chiu, "Like what?????!!!! Yoko na!!!! Ang hirap sa ph govt, pag gumawa ka ng mabuti sa kapwa mas nakakataas ang makakabangga mo, pag gumawa ka ng hindi mabuti kaming mga netizens lang ang kalaban mo at ang nakakataas ay...(zipper mouth emoji).

Nanawagan naman si Mikoy Morales na dapat maging mapagmatyag ang lahat.

 

 

--FRJ, GMA News