Ibinahagi ng ilang celebrity at designers kung papaano makagagawa sa bahay ng face mask at face shield na panlaban sa COVID-19. Kabilang sa puwedeng gawing face mask ang pinaglumaang brief.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kasama ni Pops Fernandez sa isang video ang kaibigan niyang designer na si Avel Bacudio, na nagturo kung papaano gumawa ng mga face mask sa pamamagitan ng lumang gamit tulad ng panyo at maging underwear o brief.

Payo ni Avel, dapat tiyaking malinis ang brief na gagawing face mask sa pamamagitan ng paggupit at pagtahi sa ilang bahagi nito, na mapapanood sa Facebook ni Pops ng CenterStage.

Ang young fashion designer na si si Kate Yalung, mga tinabas na tela naman ang ginawang face mask at ipinamahagi sa mga frontliner.

Si "Descendants of the Sun" actor Rocco Nacino, itinuro kung papaano gumawa ng face shield gamit din ang mga simpleng bagay tulad ng acetate paper o makapal na plastic sheet, foam, double-sided tape, stapler at sintas ng sapatos. (panoorin ang video sa itaas.). --FRJ, GMA News