Umangat ng tinatayang 100 talampakan sa ere ang isang babae na tatlong-taong-gulang nang masabit ang kaniyang katawan sa buntot ng isang malaking saranggola sa idinadaos na kite festival sa Taiwan.

Sa ulat ng Reuters, sinabing nakuhanan ng video at kumalat sa social media ang pambihirang pangyayari.

Nagkagulo ang mga tao sa lugar nang makitang umangat mula sa lupa ang bata nang lumipad ang malaking saranggola at nakasabit sa mahabang buntot niya ang paslit.

Ilang segundo lang ang itinagal ng insidente at mabilis na nasalo ng mga tao ang bata nang ibaba ang saranggola.

Bahagyang galos lang umano ang tinamo ng bata.

Dahil sa insidente na kamuntik mauwi sa trahediya, nagpasya ang mga nasa likod ng kite festival na tapusin nang mas maaga ang kasiyahan na idinaos sa Hsinchu city.

Ayon sa lokal na pamahalaan, pumalupot sa baywang ng bata ang buntot ng saranggola nang biglang lumakas ang hangin.—Reuters/FRJ, GMA News

Tags: