Umalingasaw ang alegasyon ng katiwalian laban sa isang senador sa Brazil matapos salakayin ng mga awtoridad ang kaniyang bahay at makitaan umano ng pera na nakatago sa pagitan ng kaniyang mga pigi.

Sa ulat ng Reuters, sinabing batay sa nakuhang impormasyon ng source sa korte, iniimbestigahan umano si Senador Chico Rodrigues dahil sa alegasyon ng katiwalian sa paggamit ng pondo para labanan ang coronavirus disease (COVID-19).

Si Rodrigues na kumakatawan sa northern state ng Roraima, at itinalagang deputy leader for the agenda ng administrasyon ni Pangulong Jair Bolsonaro, na ang naging plataporma sa kampanya ay wakasan ang katiwalian sa gobyerno.

Nitong Huwebes, pinatawan ng 90 araw na suspensiyon ni Supreme Court Justice Luís Roberto Barroso si Rodrigues. 

Ipinaubaya na rin ni Barroso sa Senado kung gagawing permanente ang suspensiyon sa senador.

"The police team possesses a video of the second personal search that was carried out," saad ni Barroso sa desisyon noong Huwebes.

"However, in this case, considering the manner in which the money was hidden by Senator Chico Rodrigues - quite deeply in his underwear - I will not reproduce these images in this report so as not to cause greater embarrassment," dagdag niya.

Kinumpirma ni Rodrigues sa isang pahayag ang ginawang pagsalakay sa kaniyang bahay pero hindi siya nagbigay ng detalye.

Itinanggi rin niya ang mga paratang laban sa kaniya at iginiit na maayos ang kaniyang pagsisilbi sa 30 taon niya sa pulitika.

Hindi pa tumutugon ang kaniyang tanggapan tungkol sa perang nakita sa kaniyang puwetan, pero naiulat ang insidente sa mga pahayagan sa Brazil mula sa mga impormasyon na galing sa hindi tinukoy na mga impormante.

Tumanggi naman ang mga awtoridad na magbigay ng pahayag sa insidente dahil sa isinasagawang imbestigasyon.

Pero sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ng pulisya na isinagawa ang pagsalakay sa bahay ng senador na bahagi pa rin umano imbestigasyon tungkol sa alegasyon ng maling paggamit ni Rodrigues ng pondo para sa COVID-19 response.

Nitong Huwebes, sinabi ni Bolsonaro na ang ginawang pagsalakay ng mga pulis sa bahay ng senador ay patunay na seryoso ang kaniyang gobyerno sa paglaban sa katiwalian.

"There is no corruption in my government and we fight corruption, whoever it is," giit ng pangulo.

Gayunman, iniimbestigahan ang anak ni Bolsonaro kaugnay ng katiwalian sa Rio de Janeiro, bagay na itinanggi ng pangulo at kaniyang anak.-- Reuters/FRJ, GMA News