Isang lalaking nakasaklay ang lagi umanong nakatambay sa EDSA Carousel sa bahagi ng Ortigas City para manghingi ng limos. Pero nang sitahin siya ng isang traffic marshall, nagawa niyang bitawan ang saklay at makatakbo nang mabilis para habulin ng saksak ang awtoridad.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita sa video ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) ang pagsunod ng isang marshal sa lalaking nakasaklay hanggang sa dulo ng busway.
Nangyari ito sa may Ortigas busway-southbound sa EDSA Carousel bago mag 5:30 p.m. nitong Martes.
Sa kabila ng babala ng marshal, dumaan pa rin ang lalaking nakasaklay sa kalsada kaya muli siyang sinundan at pinagsabihan.
Pero naglabas na ng patalim ang lalaki at ibinaba ang saklay saka hinabol ng saksak ang enforcer na tumakbo palayo sa kaniya.
Ayon sa marshall na nakilalang si Seaman Second Julius Abundol ng Philippine Coast Guard, nakatanggap siya ng reklamo mula sa dalawang commuter na nanghihingi ng pera ang lalaki. Pero kapag hindi binigyan ay nagmumura at naglalabas ng patalim.
"Sabi ko 'Sir tumabi po kayo' kasi nga gawa ng natatakot na 'yung mga commuters na nakapila. Noong naglalakad kami rito, papunta kami sa poste parang may binubunot siya. Sinasabihan ko na 'Sir umalis na po kayo' kasi naglalakad siya, minumura niya po ako," sabi ni Abundol.
Ayon kay Abundol, tutulungan sana niyang makatawid ang lalaki sa kabilang bangketa ng EDSA papalayo sa mga commuter pero hinabol na siya nito ng saksak.
"Sa isipan ko sir, nakasaklay eh, tapos nakatakbo?!" sabi ni Abundol.
Dumating naman ang isang taga-Highway Patrol Group na police escort na tumulong kay Abundol na makontrol ang lalaki at makuha ang patalim.
Hinihinala na may kondisyon sa pag-iisip ang lalaki.
Binigyan daw ni Abundol ang lalaki ng pera at pinasakay patungong Baclaran.
Hindi na nakuha ng marshall ang pangalan ng lalaki.
Sa isang pahayag, sinabi ng I-ACT na nakikita ang lalaking may palayaw na "Ariel" sa EDSA Carousel busway na nambabato ng bus, nagmumura sa mga pasahero at posibleng may problema sa pag-iisip.
Dagdag ng I-ACT, dinagdagan nila ang pagmamanman para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.--Jamil Santos/FRJ, GMA News