Isang barko na pawang mga Pinoy ang tauhan ang sumaklolo sa 86 refugees na ilang araw nang nagpapalutang-lutang sa Mediterranean Sea matapos masira ang kanilang de-motor na bangka.

Ayon kay Mykel Angelo Genilo, kabilang sa mga tripulante ng container vessel MV Fleur N, nakatanggap sila ng impormasyon mual sa Augusta Italian Coastal Navy na posibleng madaanan nila ang bangka ng mga refugee na kailangan ng tulong.

Galing umano sa Egypt ang karamihan sa mga refugee at patungong Italy para maghanap ng trabaho.

Pero habang nasa laot, nagkaaberya ang kanilang bangka kaya ilang araw na silang nagpapalutang-lutang sa karagatan.

Dahil sa kakulangan ng pagkain at inumin, nanghihina na ang namumutla nang masagip ng mga Pinoy ang mga refugee.

"Gusto lang namin i-share yung experience na 'to, give awareness para sa lahat, given any situation may chance na tumulong, go lang ng go, without any doubt, because helping one person might not change the whole world, but it could change the world for one person," ayon kay Genio.

Ligtas na nadala ng mga Pinoy ang mga refugee sa Augusta Port sa Italy, at ibinigay sa pangangalaga ng Italian Coast Guard nitong Martes. —FRJ, GMA News