Sa halip na gasolina, luma o gamit na mantika raw ang ginamit sa van para umandar at sinakyan ng isang mag-ama sa kanilang road trip sa England.

Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, sinabing ginawang road challenge ng mag-amang George at James Heming sa London, ang pagbiyahe sa layong 1,000 miles o mahigit 1,800 kilometers sa loob ng 3 araw gamit ang lumang van.

Pitong container o galon ang baon sa biyahe ng mag-ama na luma o gamit na mantika.

Noong una, plano raw ni James na kumuha ng isa pang makina na may kaunting diesel para mapa-start ang van. At kapag mainit na, saka ipapalit ang makina na mantika na ang gagamiting gasolina.

Pero dahil mahal at dagdag-gastos sa plano ang pagkuha ng ekstrang makina, nagpasya sila na ituloy na lang na mantika ang gamitin mula sa simula ng biyahe.

At hindi naman daw nabigo ang mag-ama dahil naging maayos daw ang takbo ng sasakyan sa kanilang long trip.

Ang tanging naging aberya daw na kanilang naranasan sa biyahe ay hirap mag-start ang van kapag lumalamig ang makina.

Pagdating sa konsumo ng mantika, pareho rin lang daw ito sa regular na gas pero mas mahina ang hatak ng makina sa papataas na daan.

Pero sa kabuuan, naging matagumpay daw ang kanilang biyahe at nahigitan pa nga ang layo ng target nilang distansiya. --FRJ, GMA News.