Nagsilbing communications minister hanggang 2018 si Sayed Sadaat sa Afghanistan. Pero ngayon, isa na siyang simpleng manggagawa sa Germany bilang tagahatid ng pagkain gamit ang bisikleta at hindi niya ito ikinakahiya.

Sa ulat ng Reuters, sinabing umalis ng Afghanistan ang 49-anyos na si Sadaat noong Disyembre para maghanap ng mas maayos at payapang buhay sa ibang bansa.

Umaasa siyang makakahanap ng trabaho na may kaugnay sa kaniyang tinapos sa kursong IT and telecom.

 

 

Nagtungo siya sa Leipzig at doon nakahanap ng trabaho bilang tagahatid ng pagkain. Pero sa kabila nito, sinabi ni Saad na masaya siya at dapat ding gawin ng ibang politiko.

"My soul is happy and I have nothing to be feeling guilty - so I am doing an ordinary job and I hope other politicians also follow the same way to work with the public rather than just keeping hiding," sabi ni Sadaat.

Ngayon na nababalot muli ng kaguluhan ang Afghanistan matapos magbalik sa kapangyarihan ang Taliban, muling nabibigyan-pansin ang kuwento ni Sadaat.

Ilang kamag-anak at mga kaibigan ni Sadaat ang nais na ring makaalis ng Afghanistan at umaasang makakasama sa evacuation flights na ginagawa roon.

Ngayon taon, sinabing tumaas ng 130 percent ang Afghans na nais makapunta sa Germany, ayon sa datos ng Federal Office for Migration and Refugees.

Ayon kay Sadaat, pagod na ang mga kababayan niya sa digmaan at pakikipaglaban.--Reuters/FRJ, GMA News