Sepulturero ngayon ng public cemetery ng Victoria, Laguna ang dating vice mayor nila na si Jaime Sancon. Pero walang pagsisisi at hindi niya ikinakahiya ang kaniyang trabaho dahil may malalim siyang dahilan. Alamin kung ano ito.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na 83-anyos na ngayon si Mang Jaime, na unang nagsilbing vice mayor ng Victoria nang ma-appoint siya noong 1986.

Isa rin si Mang Jaime sa mga kinikilalang mayaman sa kanilang lugar. Mayroon sila ng kaniyang asawang si Carmelita na rice mill, gas station, mga sasakyan at magandang bahay.

Noong 1992 elections, tumakbong vice mayor si Mang Jaime at nanalo kung saan tumagal ang termino niya hanggang 1995.

Pero nang muling kumandidato sa naturang posisyon, hindi na siya muling pinalad.

Ngayon, P300 isang araw ang sinasahod ni Mang Jaime sa paglilinis ng mga puntod. Nakikitira rin lang siya ngayon sa kaniyang kapatid.

Gayunman, hindi ikinakahiya ni Mang Jaime ang kaniyang trabaho kahit pa tagalinis siya sa sementeryo at vice mayor pa rin ang tawag sa kaniya ng mga nakakakilala.

"Alam niyo kung bakit ? Hindi niyo naman ako pakakainin eh," paliwanag niya.

Taong 2016 nang alukin umano ng munisipyo si Mang Jaime na maging checker o sepulturero. At sepulturero ang kaniyang pinili dahil sa isang malalim na dahilan--ang mabisita lagi ang puntod ng kaniyang namayapang asawa na si Carmelita, na doon nakahimlay sa sementeryo.

"Gusto ko'y kapiling ko ang asawa ko sa araw-araw. Kahit mababa ang suweldo ko pinagtitira ko ng pambili ng kandila," ani Mang Jaime.

Ngunit paano nga ba naghirap ang buhay ng dating mayaman na si Mang Jaime? Tunghayan ang buong kuwento at mamangha sa rebelasyon ni Mang Jaime sa video na ito ng "KMJS."

--FRJ, GMA News