Tinutugis ngayon ang isang babaeng guwardiya at ang lalaking preso na kaniyang itinakas mula sa isang bilangguan sa Alabama, USA. Ang dalawa, napag-alamang may relasyon.

Kinilala ang mga pinaghahanap na sina Vicky White, 56-anyos at isang Corrections Assistant Director; at ang murder suspect na si Casey White, 38-anyos , na itinuturing "extremely dangerous."

Sa isang security footage na mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang kalmadong pagtakas nina Vicky at Casey mula sa detention center noong Biyernes ng umaga, Abril 29.

Hindi nahalata ng ibang guwardiya na itinatakas na pala ng babaeng guard ang suspek. Sinabi umano ni Vicky sa mga katrabaho na nakatakdang sumailalim si Casey sa isang mental health evaluation sa korte.

Makikita pa na nakaposas ang lalaki nang lumabas ang dalawa sa detention center.

Nahagip din sa CCTV sa isang gasolinahan ang pagdaan ng ginamit nilang patrol car pero hindi sila sa korte dumiretso.

Kinalaunan, iniwan ng dalawa ang patrol car sa parking lot ng isang shopping center.

Nakatanggap naman ng tip ang mga awtoridad na nagpalit ng sasakyan ang dalawa.

Unang inakala ng mga imbestigador na "under duress" o pinagbantaan ng preso ang guwardiya kaya nito nagawa ang krimen. Pero nadiskubre ng mga awtoridad na sa ibang inmates na mayroong "special relationship" sina Vicky at Casey.

"We have had a warrant issued for Director Vicky White. The charges are permitting or facilitating escape in the first degree. Casey White, as you've heard me say over and over is an extremely dangerous person and we need to get him located and get him off the street," sabi ni Sheriff Rick Singleton ng Florence, Alabama.

May pabuyang $5,000-$10,000 o mahigit P500,000 ang US Marshals Service sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng dalawa.-- FRJ, GMA News