Ang masayang katuwaan sa inuman challenge, nauwi sa bangungot matapos mawalan ng malay at maospital ang isang lalaki na nanalo sa laklakan ng alak.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang inuman challenge ay pag-inom ng sunod-sunod ng limang baso na may iba't ibang uri ng alak na nakahilera.

Kabilang sa kumasa sa chellenge ang aminadong "tomador" na si Restie Badillo, 49-anyos, sa Imus, Cavite.

Nangyari ang katuwaan na inuman challenge nang mag-swimming ang magkakamag-anak dahil kaarawan ng isa niyang pamangkin.

Ang pinakamabilis at magagawang tunggain ang limang hilera ng alak, mananalo ng P2,500.

Hanggang si Restie na nga ang itinanghal na nagwagi. Makikita pa sa video ang kasiyahan niya. Pero pagkaraan lang ng ilang minuto, sumama na ang kaniyang pakiramdam, nagsuka, hanggang sa nawalan ng malay.

Kuwento ni Nancy, tinawagan siya ng kaniyang anak at sinabi ang nangyari sa kaniyang asawang si Restie, na isusugod nila sa ospital.

Sa ospital, hinahabol umano ni Restie ang hininga, nangingitim at idineklara siyang comatose.

Ano nga ba ang nangyari kay Restie at makarekober kaya siya? May kinalaman nga ba ang sunod-sunod na pag-inom niya ng magkakaibang alak sa nangyari sa kaniya?

Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA News