Marami ang nagulantang at nahiwagaan sa viral video sa social media na makikitang naging "apat" ang paa ng isang babae nag-slide ang swimming pool ng isang resort. Nangyari daw ito gayung wala naman daw siyang kasabay na nagpadulas nang sandaling iyon.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita rin sa video na may abiso sa resort na bawal ang bata sa slide kaya imposible raw na magkaroon ng bata na kasabay ang babae.

Gayunman, may ibang netizens na nakapanood sa video ang naniniwala na "fake" ang video, o kaya naman ay may bata talagang kasama ang babae na itinago lang para manakot.

Ayon sa magkakaibigang itinago sa pangalang Rosa, Elise, at Aida, nagkayayaan silang mag-swimming noong May 1 para makapag-bonding.

Nagpasya raw silang mag-slide pero kapag wala nang ibang tao para wala silang kasunod. Ang isa sa kanila, naiwan sa pool dahil natatakot sa taas ng slide.

Kaya ang isa sa kanila, kumuha ng camera para i-video ang pag-slide ng dalawa. Pero nang suriin nila ang kuha sa video, doon na nila napansin ang dalawang paa na tila bata na kasabay ng isa sa kanila nang bumagsak sa pool.

Hindi tuloy naiwasan ng magkakaibigan na kabahan at inisip na baka palatandaan ito na mayroon sa kanilang mapapahamak.

Ayon sa ilang residente na malapit sa resort, may narinig daw na kuwento noon na mayroon batang nalunod sa lugar. May lalaki pa nga na nagsabing doon daw mismo sa slide nasawi ang bata.

Pero ang pamunuan ng resort, naglabas ng pahayag para linawin ang pangyayari at itanggi na walang kababalaghan sa naturang slide nila.

Ang kanilang ebidensiya, ang kuha sa CCTV camera. Panoorin sa buong ulat ng "KMJS." --FRJ, GMA News