Dalawang mommy na boboto nitong nakaraang halalan ang hinarang ng mga awtoridad sa polling center sa Pampanga dahil may dala silang mga baby na ipinagbabawal. Pero sa halip na pauwian, to the rescue ang dalawang pulis na nagboluntaryong maging "yayo" ng mga bata.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing nag-viral ang mga larawan ng dalawang pulis na sina Patrolman Mark John Miranda at Corporal Rogelio Talaogan Jr., na ipinost ng isa ring nasa polling center na nakita ang ginawang pag-babysit ng dalawa sa Angeles City, Pampanga.

Ayon sa nag-upload ng mga larawan na si Leo Carlo Urea, nagbabantay ang mga pulis nang harangin ang dalawang nanay na dala ang kanilang mga baby na nasa apat na buwan-gulang pa lang.

Pero sa halip na pauwian ang dalawang nanay, nagpresinta na lang ang mga pulis na sila na muna ang mag-aalaga sa mga baby para makaboto sila.

"Nakita ko yung mga magulang naglalakad sa harap namin biglang honold [hold] sila ng pulis. Bawal daw kasi na mag-vote yung magulang na may kargang baby," aniya.

"Ako na, sabi niya. Kinarga yung isa, nagpresinta yung mga pulis na sila na yung magbantay sa mga baby," ayon pa kay Urea.

Noong una, umiyak ang mga baby dahil na rin sa init ng panahon. Tumagal daw ng tatlong oras ang pagiging "yayo" ng mga pulis.

Sinabi umano ng mga ina sa mga pulis na wala silang kasama sa bahay na mapag-iiwanan sa bahay kaya isinama nila ang mga anak sa pagboto. --FRJ, GMA News