Mistulang naging instant "student pilot" ang isang pasahero nang biglang mawalan ng malay ang piloto ng eroplanong sinasakyan niya sa Amerika. Dahil dito, napilitan siyang paliparin ang eroplano para mabuhay.

Sa video ng GMA News Feed, madidinig ang mag-uusap ng pasahero ng isang light Cessna plane at lalaking nakatalaga sa control tower ng isang paliparan.

"I got a serious situation here, my pilot has gone incoherent I have no idea how to fly the airplane," sabi ng pasahero.

Napag-alaman na galing Bahamas ang eroplano at nasa ere na ito nang sumama ang pakiramdam ng piloto at mawalan ng malay.

Silang dalawa lang ng pasahero ang sakay ng naturang eroplano na nangyari noong Mayo 10.

Tinanong ng air controller na dating flight instructor, ang pasahero tungkol sa sitwasyon ng eroplano at kung nasaan na siya.

Pero dahil walang alam tungkol sa pagpapalipad ng eroplano, ang nasabi lang ng pasahero ay nakikita niya ang coastline ng Florida.

Nagbigay ng instruction ang tower control sa pasahero tungkol sa mga kailangan niyang gawin para mapanatili ang lipad ng sasakyan at mailapag niya nang ligtas.

"Push forward on the controls and descend at a very slow rate," sabi ng nagsasalita sa tower control.

"Maintain wings level and just try to follow the coast, either north or southbound. We're trying to locate you. If stable, hit the Ident button on the transponder," sabi pa ng lalaki sa tower control.

Pero dahil karaniwang pasahero lang ang nagpapalipad ng eroplano, hindi niya alam ang ilang bagay na tinutukoy ng lalaki gaya ng sinasabing "Ident" button.

Kaya tanong ng pasahero, ano ang Ident button?

"On the transponder, there's a button that says Ident, hit the Ident button for me," sabi naman ng lalaki sa tower control.

Dumiretso ang eroplano sa Palm Beach International Airport at doon ligtas na nailapag ng pasahero ang eroplano.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente partikular sa nangyari sa piloto na biglang nagkasakit habang nagpapalipad ng eroplano. --FRJ, GMA News