Inulan ng suntok ang isang lalaki matapos na rumesbak ang babae na kaniyang hinipuan sa Brazil.

Sa video, makikita ang biktima na isang gas attendant na nakatutok sa kanilang cellphone.

Maya-maya lang, nilapitan siya ng lalaki at hinipuan. Parang walang nangyari na lumayo ang suspek pero hindi nagpasindak ang babaeng biktima.

Bago makalayo ang lalaki, sinundan siya ng babae at pinaulanan ng suntok hanggang sa mapaluhod na siya sa sahig.

Isang babae naman ang umawat sa biktima.

Sandaling napaghiwalay ang dalawa pero muling inatake ng biktima ang lalaki hanggang sa makalabas ng establisimyento.

Ayon sa pulisya, hiningi raw ng lalaki ang cellphone ng babae pero hindi siya pinansin nito.

Posibleng maharap sa reklamong sexual harassment ang lalaki.--Jamil Santos/FRJ, GMA News