Tatlo ang alagang aso ni Gav Manlangit. Bagaman pantay-pantay ang pagmamahal niya sa mga alaga, may espesyal na atensiyon ang shih tzu na si "Clamsy" dahil sa kaniyang kondisyon na biglang hinihimatay.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa "Dapat Alam Mo," sinabing 2016 nang makuha ni Gav si Clamsy. Hindi raw nila agad nalaman na may kondisyon pala ang aso na biglang nanlalambot at mawawalan ng malay.

"Kapag binibigyan mo ng pagkain, sa sobra niyang tuwa bigla na lang siyang lumalambot. Bigla na lang siyang babagsak," kuwento ni Gav.

Pero ilang segundo lang, muling magkakamalay si Clamsy na para bang walang nangyari.

Hindi dog trick ang ginagawa ni Clamsy dahil nangyayari sa kaniya ang pagkawala ng malay nang hindi bababa sa tatlong beses sa isang araw.

At dahil matagal na rin niyang alaga si Clamsy, naging normal na sa kanila ang ganoong kondisyon ng aso.

Dahil wala ring sapat na pera para madala sa beterinaryo, hindi pa naipasusuri ni Gav sa espesyalista si Clamsy para malaman kung anuman ang sakit ng aso.

Para matulungan si Clamsy, dinala siya kay Doc Nielsen Donato, host ng programang "Born To Be Wild."

Ang inisyal na tingin ni Doc Nielson, posibleng may kondisyon si Clamsy na kung tawagin ay "Portosystemic Shunt."

Ano nga ba ang "Portosystemic Shunt" at may lunas kaya ang kondisyon ni Clamsy? Panoorin ang buong pagtalakay na ito sa video.--FRJ, GMA News