Kahit noong bata pa lang, kakaiba na raw ang naging karanasan ng isang babae nang makaramdam at makakita siya ng mga hindi pangkaraniwang nilalang at masapian pa ng isa sa mga ito.

Sa programang "Dapat Alam Mo!," sinabing tila may gustong iparating ang mga 'di pangkaraniwang nilalang kay Lorielie May Mabitas, 28-anyos, kahit noong bata pa lamang siya.

Pero hindi niya pinapansin noon ang mga elemento kaya kusa naman silang naglaho. Gayunman, hindi tuluyang natapos ang pang-abala ng mga nilalang kay Lorelie at sinapian umano siya.

"Noong una po pinagtatawanan nila ako akala nila parang papansin lang ako noon. Ginamot po ako, pinadasal din po ako ng Ama Namin tapos kinabukasan po may sumunod na naman po," sabi ni Lorielie.

Nagpakilala sa kaniya ang sumapi sa kaniya na isang lalaki na nagngangalang "Maynard."

"'Yung Maynard na ito nanghingi lang siya ng tulong na gusto niyang madasalan siya kasi noong time na 'yon, hindi alam ng mga kamag-anak niya na wala na siya, namatay na siya," anang dalaga.

Matapos ang isang buwan na naipagdasal ang kaluluwa ni Maynard, muling nakakita ng mga kakaibang nilalang si Lorielie. Nagdulot ito sa kaniya ng matinding takot.

May mga pagkakataong hindi na nagpapakita ang mga nilalang pero naririnig o nagpaparamdam naman ang mga ito sa kaniya.

"'Yung pagpaparamdam po, 'yung may naglalakad. Tapos kapag napupunta naman ako sa isang madilim na lugar sa bahay namin, may mga nagpaparamdam din. Naglalakad lang po sila pero hindi naman sila nananakit... Hindi ka makakilos nang maayos kasi kapag lalabas ka o pupunta ka sa isang lugar, mahihilo ka bigla," sabi ni Lorielie.

Kinumpirma ni Nanay Elisa Florida, nanay ni Lorelie, na may mga nilalang ngang gumagala sa kanilang bahay.

"Marami kasi sila rito eh. Ako nga mismo kinakausap ko pa 'yang mga 'yan eh. Sabi ko 'Kayo ang iilag, kasi hindi namin kayo nakikita," sabi ni Nanay Elisa.

Bago ang kaniyang paranormal na karanasan, nagkaroon ng karamdaman si Lorelie kung saan na-sprain ang kaniyang paa at namaga nang namaga. Hindi ito napatingin sa orthopedic hanggang sa hindi na siya makalakad, at palagi nang pag-upo at paghiga ang kaniyang ginagawa.

Bukod dito, humina rin ang kaniyang pananampalataya.

"May time po kasi na nawalan ako ng faith, ng pananampalataya sa Kaniya. Kasi noon nagkasakit ako. One year higit akong nakakulong lang dito sa bahay," saad niya.

Sinuri ng paranormal researcher na si Ed Caluag ang kaso ni Lorelie.

Ipinaliwanag niya na ang near-death experience ang maaaring dahilan para magkaroon ng awakening ang isang tao at mabuksan ang kaniyang third eye.

Dito rin siya posibleng matuto ng astral projection, kung saan naka-"tune in" siya sa frequency na hindi sakop ng tao, kaya dinadalaw siya ng mga elemento dahil naiintindihan niya ang mga ito. At kapag sobrang "close" siya sa mga elemento, puwedeng mangyari ang pagsanib," paliwanag ni Ed.

Para matulungan ang dalaga, nagsagawa si Ed ng egg divination para ma-trap ang residual energies na mayroon sa kaniyang katawan.

Alamin sa video kung ano ang nadiskubre ni Ed tungkol kay Lorielie, at ano rin masasabi ng isang psychologist tungkol sa sanib. Panoorin ang video. --FRJ, GMA News