Maaari bang kuwestiyunin sa korte ang labis-labis na interes o patong sa utang? Mula kasi sa P300,000 na inutang, lumobo ito sa P1.3 milyon.

Sa programang "Sumbungan ng Bayan," dumulog ang isang netizen para ireklamo ang isang tao na nagpapautang pero may labis-labis naman daw magpatong ng interes.

Ayon sa netizen, nang hindi mabayaran ng kanilang kakilala ang lumobong utang, na-depress ang kanilang kakilala at nalugmok sa kahihiyan.

Pero sa halip na maawa, kinuha umano ng nagpautang ang lupain ng nangutang.

Ayon kay Atty. Conrad Leaño, maaaring kunin ng nagpautang ang principal amount na P300,000 mula sa nangutang. Ito ay kahit pa kuwestiyonable ang interes o hindi.

Pagdating sa kolateral na lupa, dapat na may kasulatan ang nagpapautang na gagamitin niya ang lupa bilang seguridad o kabayaran kung hindi makapagbabayad ang nangutang.

Kung wala umanong kasulatan, hindi niya basta-basta maaaring kunin ang ari-arian ng isang nangutang.

Tinatawag itong "Pactum Commissorium" na ipinagbabawal sa batas. Dahil kung ipatutupad, mawawalan ng tirahan ang lahat ng mga hindi nakapagbabayad ng kanilang mga utang.

Pero kung may kasulatan, kailangan pa ring dumaan ang nagpapautang sa proseso ng foreclosure ng ari-arian ng nangutang.

Pagdating sa interes, sinabi ni Atty. Leaño na bagama't ang mga partido ay may kalayaang magtakda ng kanilang nais pagkasunduan, hindi ito nangangahulugan na lahat ng interes na kanilang itatakda ay dapat igalang ng batas.

Kapag ito ay imoral o "shocking to the conscience," maaari itong kuwestiyunin ng nangutang sa korte. --FRJ, GMA News